PINASINAYAAN ni Paniqui Town Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla ang P1.3 milyon Barangay Hall ng Poblacion Norte makaraan itong makumpletong maitayo sa loob lamang ng maikling panahon.
Ayon kay Brgy. Poblacion Norte Chairman Rodolfo Villanueva, ang pananalaping ginamit sa pagpapatayo ng kanilang barangay hall ay mula sa kanilang sariling pondo na matagal ng naka-allocate upang makapagpatayo ng magarang dalawang palapag na gusali na mayroong mini-library.
Sinabi pa ni Villanueva na mahusay ang mga isinasagawang kampanya sa pagbubuwis sa kanyang nasasakupang na dahilan naman upang ang ingat yaman ng munisipyo ay lalong mapalakas ang isinasagawang koleksyon ng buwis.
“Heto po ang resulta ng aming mahusay na management sa aming pananalapi – ang makapagpatayo kami ng isang magandang barangay hall,” pahayag pa ni Villanueva.
Kasama ni Mayor Rivilla sa isinagawang pagpapasinaya sina Vice Mayor Gin Linsao at mga incumbent municipal councilors, grupo ng YAKAP at mga residente at mga negosyante na humanga sa ganda ng naturang barangay hall.
3,500 Mahihirap Na Pamilya Napagkalooban Ng Bigas
UMAABOT na sa mahigit na 3,500 mahihirap na pamilya sa iba’t-ibang barangay ng Bayang Paniqui ang napagkalooban na ng bigas ng Administrasyong Rivilla sa nakalipas na 30-araw na pamamahagi sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Ayon kay Mayor Rivilla, ang bigas ay mula sa World Food Organization na ipinamamahagi sa mga residente ng mga bayang nasalanta ng mga nakalipas na kalamidad.
Ang Bayang Paniqui ay isa sa mga bayan sa bansa na sinargo ng mga Bagyong Ondoy at Pepeng na nagpabaha sa maraming barangay at nanira ng malawak na lupang agrikultura.
Sinabi ni Mayor Rivilla na matapos na ipagkaloob ng WFO ang mga sako-sakong bigas sa Paniqui ay agad niyang inatasan ang MSWDO upang ang mga ito ay k,aagad na maipamahagi sa lahat ng mga pamilyang naging apektado ng naturang kalamidad.
Kawani Ng Pamahalaang Bayan Ng Paniqui Tumanggap ng bonuses
MASAYA ang mga regular employees ng Pamahalaang Bayan ng Paniqui, matapos nilang tanggapin ng buo ang kanilang Christmas Bonuses maging ang 13th month pays sa nakalipas na linggo.
Ayon kay G. Zoilo Briones, HRMO, aabot sa 115 ang bilang ng mga regular employees ng munisipyo na lahat ay nakatanggap ng buong umento sa una at sa ikatlong bahagi ng buwan ng Disyembre.
“Ang perang ‘yan ay para sa mga kawani, dapat lamang na mapasakamay nila kaagad upang magamit nilang pangtustos sa kanilang mga pangangailangan at paghahanda ngayong Kapaskuhan,” pahayag ni Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla.
Isinagawa rin ng mga kawani ang kanilang Christmas Party (Dec. 18), kung saan nagkaroon ng mga kantahan, palitan ng regalo at raffle ng mga mahahalagang gift items.
Economic Strategies inilahad ni Mayor Rivilla sa Local Radio Station
BAGAMA’T punong-puno ng text messages ang lingguhang palatuntunang “Lipad Nang Umunlad” sa Himpilang DZTC 828 khz. AM, nagawa parin ni Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla na mailahad sa mga taga-pakinig ang kanyang mga estratehiya sa pagpapalakas ng local economy ng Paniqui sa nakalipas na linggo.
Sinabi ni Mayor Rivilla na dapat magkaroon ng direksyon at panuntunang pang-kalakal ang Paniqui upang madaling maituro sa mga taong nais na mag-invest ang tamang lugar para sa kanilang negosyo at kalakal.
Nauna rito, itinuturing na matagumpay na naisakatuparan ng Administrasyong Rivilla ang kanyang pangunahing political at development agenda na kinabibilangan ng Edukasyon, Trabaho at Kalusugan na kaagad naman itong sinundan ng pagbalangkas ng mga pangunahing pamamaraan at estratehiya na makapagpapalago at makapagpapasigla ng ekonomiya ng Paniqui
Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Pagpapalakas sa Agrikultura, paglilikha ng mga kooperatiba, mga bagong programa para sa trade commerce and industry, pagpapatayo ng mga pasilidad na kailangan para sa negosyo, kasama rin dito ang tamang paggamit ng lupa at kumbersyon sa ibang gamit at pangangalaga sa likas na yaman at maayos na kapaligiran.
 |