|
PANIQUI, Tarlac--- Napuno ng saya at sigla ang Don Eduardo Cojuangco Athletic Bowl, sa Bayang Paniqui sa ginanap opening ceremonies para sa taunang pagtatanghal ng Provincial Meet, kahapon.
Ayon kay Mayor Miguel “Dors” C. Rivila, sa loob ng maraming taon simula ng magkaroon ng palarong panglalawigan, ngayon lamang umano nakapag-host ang Paniqui ng Provincial Meet na labis na ikinatutuwa ng mga mamamayan dito.
“Kung sa nakalipas na BSP Jamboree noong nakaraang linggo ay mayroon tayong naging bisitang mga Boy Scouts na umaabot sa bilang na mahigit sa 2,500, ngayon naman ay umaabot sa mahigit na 5,000 ang bilang ng mga atleta mula sa 17 bayan at ng Lungsod Tarlac,” pahayag ni Rivilla.
Sinabi pa ni Rivilla na bagama't ang Bayang Paniqui ang host, natutuwa naman umano ang pamahalaang bayan dahil sa pagtaas ng benta ng mga may mga negosyo partikular na sa pagkain.
“Mahigit na 5,000 atleta ito na sabay-sabay kumakain, isipin na lamang kung gaano rin kalaki ang kikitain ng ating mga negosyante sa pagkain,” dagdag pa ng alkalde.
Magkagayunman, bago pa magdatingan ang mga atleta, pinulong na ni Rivilla ang mga negosyante maging ang transport group upang ang situwasyon ay huwag abusuhin sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng pagkain, mga pangunahing bilihin at pasahe.
Sa kanyang mensahe sa naturang seremonya ng pagbubukas ng Provincial Meet,pinuri ni Rivilla ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), sa pamumuno ni Dr. Antonieta B. Tiotuico, Tarlac schools division superintendent, dahil sa patuloy na pagtataguyod ng isports at gayun din si Gob. Victor Yap dahilan sa ipinagkakaloob nitong lubos na suporta sa mga katulad na aktibidad.
Inihayag pa ni Rivilla na nais niyang makabuo ang Bayan ng Paniqui ng koponan ng mga atleta na kukumpleto sa Team Tarlac bilang pangsabak sa nalalapit na Palarong Pambasa sa darating na Abril 2010.
Ang Palarong Pambansa ay kauna-unahan din na gaganapin sa Tarlac matapos na makumpleto ang konstruksyon ng Tarlac Sports and Recreational Facilities kung saan unang ginanap ang Central Luzon Regional Athletics Association sa nakalipas na Marso ngayong taon.
Naging panauhin din sa na naturang openning ceremonies sina Vice Gov. Marcelino Aganon Jr., San Manuel Mayor Jopet Villa Agustin, Camiling Mayor Neil Agustin, Anao Mayor Edgardo Felipe, Ramos Mayor Agri Manglicmot, Capas Mayor Rey Catacutan, Concepcion Mayor Noel Villanueva, Mayantoc Mayor Tito Razalan, Santa Ignacia Mayor Saclulu Enrado, Pura Mayor Boying Sawit, Gerona Mayor Dennis Norman Go at Gerona ex-Mayor Harmes Sembrano, bilang taga-pagsalita ni Yap.
Kumpleto rin ang hanay ng mga opisyales ng Tarlac School Division Office at mga kagawad ng Paniqui PNP, Communication Group at Business Sector na nanood ng naturang seremonya.
Lolo, lola sa Paniqui nakinabang sa Katas ng VAT
UMAABOT sa may 800 senior citizens na pawang nasa kategorya ng poorest-of -the-poor sa Bayang Paniqui ang napagkalooban na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ng tig-P500 simula noong Lunes.
Ayon kay Eugene Dalangan, in-charge MSWDO, lahat umano ng 35-barangay ay kanilang sinuyod upang maitala ang mga pangalan ng senior citizens na dahilan upang mapabilis ang pagkakaloob sa kanila ng biyaya mula sa Malakanyang na tinaguriang “500 para kina Lolo at Lola.”
Sinabi naman ni Gng. Norma Lantin, Ingat Yaman ng Bayan, pagkatanggap umano nila ng naturang pondo na nagkakahalaga ng P400,000, agad nilang itong ipinasa sa MSWDO upang maipagkaloob agad sa mga dapat na makatanggap.
“Nagpapasalamat po kami kay Meyor Dors Rivilla at Pangulong GMA dahil kaagad niyang ipinatupad ang pagbibigay sa amin ng halaga (P500) na ito, makakatulong po sa amin na pandagdag sa aming gastusin,” pahayag ni Mang Landoy, 75 ng Brgy. Salomague. BILLIARD HALLS bawal tumanggap ng estudyante
MATAPOS na aprubahan ng mayoryang bilang ng Sangguniang Bayan sa huling pagbasa ang isang Ordinansa na nagtatadhana na pagbabawal sa lahat ng mga nagmamay-ari ng Billiard Halls o Centers sa Bayang Paniqui na tumanggap ng mga estudyante maging sa elementary o high school lalo na sa oras na ang mga ito ay may klase, agad itong ipina-iral sa tulong ng Paniqui Police Station.
Ayon kay Vice Mayor Gin Linsao, ang pagpapatupad ng naturang ordinansa ay segun sa programang pang-edukasyon ng Administrasyong Rivilla na dapat umano ay walang anumang dapat na hadlang sa panahon na ang mga kabataan ay nag-aaral tungo sa kanilang magandang kinabukasan.
Idinagdag pa ni Linsao na naipasa ang naturang Ordinansa dahilan na rin sa reklamo ng mga magulang na umano'y hindi na pumapasok sa paaralan ang kanilang mga anak dahil sa paglalaro ng billiard at pool.
Dahil dito, kumatha si Kagawad William Ibay ng isang matibay na Resolusyon hinggil dito na agad namang kinatigan ng mayorya ng SB.
Matatandaan, isang katulad din na Ordinansa ang mahigpit na ipinaiiral sa Paniqui na nagbabawal sa lahat ng mga computer shops at internet cafe na tumanggap ng mga estudyante upang maglaro ng internet games lalo na sa oras ng klase.
Matatandaan pa, na isang internet cafe ang ni-raid ngPaniqui PNP matapos na makakitaan ng mga estudyanteng naglalaro ng internet games sa oras na dapat ang mga ito ay nasa loob ng kanilang mga paaralan.
Ayon kay Mayor Dors Rivilla, lahat ng mga ipinapasang ordinansa ng SB ay makabubuti sa ating mga kabataan, mga mamamayan, sa ating ekonomiya at kagalingang pantao. Ang sinuman na lalabag sa kautusan ay may karampatang kaparusahan.
 |