Wednesday, 14 October 2009 14:04   
Lahat ng Relief Goods, Tinatanggap Namin - Mayor Rivilla

MARIING pinabubulaanan ni Paniqui Town Mayor Miguel “Dors” Cojuangco Rivilla ang napabalitang siya ay tumatangging tanggapin ang mga relief good mula sa mga donors na nakasulat ang kanilang mga pangalan sa lalagyan na ipamimigay sa may mahigit na isang libong pamilyang kasalukuyan ay nasa mga evacuation centers.

Ayon kay Rivilla, lahat umano ng mga donors na nagkakaloob ng tulong para sa mga pamilyang bakwet, maging ito ay pagkain, pananamit o kahit na anuman na makakatulong para maibsan ang paghihirap ng kanyang mga mamamayan ay kanyang buong pusong tinatanggap at pinasasalamatan.

“Kung totoo man na mayroong gayung uri ng balita, ito ay walang basehan, walang katotohanan at maaaring kulang sa impormasyon ang source ng issue.  Lahat po ng mga may magandang kalooban na nais tumulong sa aming mga mamamayan ay amin pong buong pusong tinatanggap at kami sa pamahalaang bayan ng Paniqui ay lubos na nagpapasalamat sa kanilang lahat,” pagtatapos ni Rivilla.

Sinabi pa ni Rivilla na bukod sa mga inihandang food supplies ng pamahalaang bayan ng Paniqui ay una ng nagkaloob ng relief good si Cong. Nikki Teodoro (1st District) sa mga bakwet na inilikas sa Salomague Evacuation Center.

Kasama ni Teodoro sa naturang relief operations ang Tarlac Police Provincial Office at ang Federation of Tarlac Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry na sinundan naman kaagad ng mga relief distributions ng iba’t-ibang organisasyon, mga private individuals, mga kumpanya kabilang na ang ABS-CBN at Kapuso Foundation ng GMA7.

“Wala po kaming tinatanggihan na donors mayroon mang pangalan na nakasulat sa lalagyan ng relief goods dahil ang mga ito ay kusang ipinagkakaloob sa aming mga kababayang hanggang ngayon ay nasa mahirap na kalagayan, matapos na salantain ng baha ang kanilang mga barangay,” pahayag pa ni Rivilla.

Ipinalabas ni Rivilla ang pahayag na ito matapos na umano’y mapabalita sa isang local radio station na tinatanggihan nito ang mga relief goods kung saan ang lalagyan ay may nakatatak na pangalan ng taong nagbibigay o mga kumpanyang nagkakaloob ng tulong.

Share/Save/Bookmark
 

Comments  

 
+2 #1 Botbot 2009-11-18 23:55
Nakaawa naman si Mayor, sobrang sipag na nga lang nyan eh puro pa paninira ang inaabot nya. Sana tigilan na lang ninyo sya at sumuporta na lang kayo!
Quote
 

Add comment


Security code
Refresh

Click here to buy Power Saver!