| ART HOUSE OF COMFORT, itatayo sa Paniqui |
|
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, itatatayo sa Bayang Paniqui ang isang tanggapan na kakalinga sa mga kababaihan o kalalakihang nakalalasap ng kabiguan at mabibigat na pagsubok sa buhay na dahilan upang ang kanilang pamilya ay mahati.
Sa pangunguna ni Mrs. Ana Rivilla, maybahay ni Paniqui Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla, ilulunsad ang Art House of Comfort sa Agosto 11 sa Bahay pamahalaan ng Paniqui.
Ayon kay Mrs. Rivilla, layunin ng kanyang proyekto ay upang papanumbalikin ang dating normal na pamumuhay ng mga magulang na nakalasap ng mabibigat na pagsubok sa buhay na halos ‘di na nila kayang harapin sa kanilang pagpapamilya o mga kababaihang hindi naging maganda ang sinapit na kapalaran maging sa pag-ibig o sa kabuhayan.
Ang mga papasok sa Art House of Comfort ay tuturuan ng paghawak ng paint brush upang matutong magpinta sa canvass, tuturuan din silang maglilok ng pila para sa kursong iskultura samantalang ang iba naman ay tuturuang mag-operate ng computer.
Sinabi pa ni Mrs. Rivilla na inaasahan niyang sa pamamagitan ng mga naturang pamamaraan, madaling makakabalik sa normal nilang pamumuhay ang mga magulang at tulong na rin para sa kanila upang makapag-hanapbuhay.
COMPUTER LITERACY Program para sa mga single parents
PASISIMULAN sa linggong ito ng Pamahalaang Bayan ng Paniqui ang programang inilatag ni Mrs. Ana Rivilla na paganyaya sa lahat ng mga single parents upang ang mga ito ay turuan ng operasyon ng computer sa hangaring madagdagan ang kanilang kaalaman upang magkaroon ng pansariling hanapbuhay. Sa pang-Lunes na Palatuntunang Lipad Nang Umunlad sa Himpilang DZTC (828khz. AM), sinabi ni Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla na ang naturang pagsasanay ay walang kaukulang bayarin para sa mga nais na mag-enrol na eksklusibo lamang para sa mga single parents.
“Sa pamamagitan ng aming IT Department sa Bayang Paniqui, tuturuan ng Basic Computer Operations ang mga “estudyante” na pawang kabilang sa tinaguriang Single Parents, maging babae man o lalake.
Sinabi pa ni Mayor Rivilla na ang mga programang ito na kinabibilangan ng pagtatayo ng Art House of Comfort at ang Computer Literacy Program para sa mga single parents ay bilang tugon sa mga text messages na ipinapadala sa Lipad nang Umunlad Radio Program.
Ayon kay Cecile (di tunay na pangalan), 32, may-asawa at apat na anak, siya umano ay laging binubugbog ng kanyang asawang bukod na sa walang trabaho ay lasenggo pa na dahilan ng kanilang maagang paghihiwalay.
Gayun din ang sumbong ni Letty (di tunay na pangalan), 28, may dalawang anak. Bigla na lamang umanong nawala ang kanyang asawa at sumama sa iba. Problema umano ni Letty kung papaano niya itataguyod ang kanyang dalawang anak ay ilan lamang sa mga magulang na may mga suliranin sa pagpapamilya.
“Sila ang mga kababayan nating nangangailanan ng tunay na pagkalinga. Tulungan natin sila at suportahan sa pamamagitan ng pagsananay sa sining at teknolohiya,” pahayag ni Mrs. Ana Rivilla.
SOLID WASTES Management Program, matagumpay sa Paniqui
ITINUTURING na tagumpay ang pamahalaang bayan ng Paniqui sa pagpapatupad nito ng Solid Wastes Management Program (SWMP), sa 35 limang barangay nito kung saan maraming barangay na ang kumikita mula sa kanilang material recovery facilities.
Sa ulat na isinumite ni Dino Espiritu, SWMP consultant, sa kasalukuyan umano, apat na barangay na ang kasalukuyang nakakapag-produce na ng organic fertilizers mula sa mga bio-degradable wastes na ipinoproseso sa kanilang mga barangay.
Inaasahan na sa pamamagitan ng pagpo-produce ng organic fertilizers at pagbebenta ng mga naiipong recyclable materials, makakalikom ng malaking halaga ang mga barangay na tinatayang aabot ng hanggang PhP1.5 milyon taon-taon.
BLOOD SAMPLING, regular na isasagawa sa Paniqui
PASISIMULAN sa araw na ito ng mga duktor at mga health workers ng Municipal Health Office ng Bayang Paniqui ang blood sampling sa lahat ng mga residente, bilang tugon sa programa ng Krus na Pula (PNRC) na malawakang pag-iipon ng dugo.
“Ang blood sampling ay walang kaukulang bayarin. Layunin naming sa pryektong ito ay upang kaagad na ma-identify ang blood type n gaming mga kababayan upang mas madali silang ma-contact sa panahon ng mga malulubhang pangangailangan ng dugo at ang tipo ng kanilang dugo ang kailangan,” pahayag ni Mayor Miguel “Dors” C. Rivilla.
Batay sa pinakahuling record ng PNRC-Tarlac Chapter, pangunahing blood donors sa loob ng nakalipas na 12 buwan ay pawang mga residente ng Bayang Paniqui.
Kamakailan lamang, nagsagawa ang DELTA Communications Group ng Blood Letting activities sa Bahay Pamahalaan ng Paniqui, kung saan, iba’t-ibang concerned citizens ang nag-donate ng kanilang sariling dugo. |

